Gawang Lenin

Nitong nakaraang linggo, wala akong magawa sa bahay. Nag-isip-isip ako ng mga bagay na hindi ko na ginagawa o nagagawa simula nung nag-3rd year na 'ko. Wala naman. Halos lahat ng ugali ko nung 2nd year, ginagawa ko pa rin hanggang ngayon; ang magsulat ng tula. Ang tula kasi, para sa 'kin, isang malalim na konsepto ng pagpapaliwanag sa isang bagay na nararamdaman, nakikita, o nangyayari sa isang tao. Ikaw na bahala kung gagawin mo itong kwento; pabiro, malungkot o seryoso. Pwede ring galit. Pag sinabi kong "tula" sa iba, ibig sabihin, gawa ng isang matalinong tao 'yan. Hindi naman sa pagmamayabang, pero mahilig talaga akong magtugma. At ito nga ang naging resulta nung wala akong magawa sa bahay.

Lasing na Pag-ibig
ni Lenin Zulueta

Ala-singko ng hapon kami nagsimulang dalawa
Ganado sa gagawin at walang kahalong kaba
Patuloy lang muna sa pagkwento ng kahit ano
Hanggang sa kumagat ang dilim, ikaw lang at ako.

Ikaw lang at ako ang magkasama sa’ming bahay
Wag kang mag-alala, mamaya pa dadating si nanay
Habang may kasamang tugtog, nagkakatinginan tayo
At unti-unti tayong nahihilo sa bawat tagay sa baso.

Padilim na ng padilim, ako’y nagpailaw ng makulay
Mas gumaganda ang ating gabi’t nawawala ang umay
Bumalik ako sa pwesto kung sa’n ika’y aking kaharap
At doon ko nadama na nakadikit na ang ating balat.

Tuwang-tuwa ka at ako dahil sa ating mga kwento
At halos maupo na rin tayong dalawa sa semento
Pareho tayong may tama, kailangan natin ng kape
Maya-maya’y ang sabi mo ay sa iyo na ‘ko tumabi.

Ang bawat kilos ay parang mga nabuhay na patay
At di natin napansing magkahawak tayo ng kamay
Hanggang sa tayo’y natigilan, biglang nagkatinginan
At dun nagsimula ang pangyayaring di malilimutan.

Sa tamis ng labi at dilang aking tinikma’t pinatungan
Halos nablangko ang isip ko’t doo’y nadama ko ng lubusan
Nabalutan ang ating paligid na halos puno na ng hiwaga
Biglang bumagal ang minuto at ang oras natin ay humaba.

Ngunit hindi pa rin doon natatapos ang lahat
Bigla akong bumanat ng isang tanong na matapat
Nagtanong ako, mahal mo pa rin ba ‘ko?
Oo, tuwing nakikita kita, lalo ngayong magkasama tayo.

Pagkatapos, parang ang puso natin ay muling nagkagapos
Parang ang ganitong klaseng eksena’y hindi na matatapos
Sa bawat tingin, bawat halik, bawat hawak at haplos
Sa bawat dikit, bumabalik ang mahigpit mong yapos.

Sa epekto ng alak, kailangan mo na yatang umuwi
At humabol pa ‘ko ng halik sa pisngi mong maputi
Ayaw kitang mag-isa, kaya naman ako sayo’y aalalay
Habang naglalakad sa daan papunta sa inyong bahay.